Si Rizal sa Mata ng mga Migranteng Pilipino sa Amerika

Ipinaskil Hunyo 16, 2009 ni bakasbukas
Mga kategorya: KaPilipinuhan sa Pangkalahatan, Paggunita sa kabayanihan

Bago natin ipagbunyi ang bagong napagtibay na batas sa kongreso – ang paglilipat ng pagdiriwang ng Rizal Day mula sa ika-30 ng Disyembre sa ika-19 ng Hunyo, ang petsa ng kapanganakan ng ating pambansang bayani si Gat Jose P. Rizal- magandang balik-tanawin natin ang pagdiriwang ng Rizal Day bilang araw ng kabayanihan ni Rizal sa mata ng mga migranteng Pilipino sa Amerika.
   
Alam ba ninyo na bago naging taunang pagdiriwang ang ika-12 ng Hunyo bilang Araw ng Kasarinlan (Philippine Independence Day), sa Estados Unidos magmula nuong pagbubukas ng 20 dantaon sa hanay ng mga manggagawa at migranteng Pilipino, ang pinakahihintay at pinaghahandaang pagdiriwang bilang araw ng mga Pilipino ay ang Rizal Day – ika-30 ng Disyembre, araw ng pagpaslang kay Dr. Jose P. Rizal sa Bagumbayan?

Ito ay halaw sa libro ni Prof. Ronald Takaki (yumao kamakailan lang) “Strangers from a Different Shore: A Hsitory of Asian Americans”(1989). Ayon sa kanya:

The most important celebration of Filipino plantation laborers was Rizal Day – December 30, the day the Spanish executed the famous revolutionary leader Jose Rizal in 1896. To honor Rizal, Filipino plantation bands played mandolins and guitars at outdoor concerts. As the Filipino plantation laborers remembered Rizal, they told one another tales of his heroic deeds. “The Kastilas could not kill him, because the bullets bounced off his chest,” a worker would declare. And a compatriot would “tell it up one notch” and quickly add: “He caught them (the bullets) with his bare hands!” Filipinos repeatedly told the story about how the revolutionary leader actually did not die: “After he was buried, his wife poured his love potion on his freshly filled grave, and in the night – he rose, Apo Rizal rose from the grave.” (page 165).

Ayon naman sa isa pang manunulat, si Howard A. Dewitt, (Jose Rizal: Philippine Nationalist as Political Scientist, 1997): “For two decades Rizal Day has provided the civil rights issues, the sense of Philippine history and the organizational skills to bring California Filipinos into the mainstream of the Golden State. Had it not been for the word and deeds of Dr. Jose Rizal, California Filipinos would not have been able to make their way as effectively in the Golden State. ”

Sa madaling salita, sa hanay ng mga migranteng Pilipino sa Amerika nuong mga unang dekada, malaki ang papel na ginampan ang kabayanihan, buhay at kaisipan ni Rizal. Isa siyang ulirang Pilipino at huwaran ng mga lider-manggagawa tulad ni Philip Vera Cruz, ang dating bise ni Cezar Chavez sa United Farm Workers. Ayon kay Vera Cruz ““Dr. Jose Rizal was not only the first person to proclaim himself as Filipino, but he taught us how to deal with adversity.”

Sa San Francisco (California) maraming mga pamana si Rizal sa mga Pilipino tulad sa pagtataguyod ng La Liga Filipina at tradisyong mason – siya ang inspirasyon ng pagbubuo ng Gran Oriente Filipino, Legionnarios del Trabajo. at Caballero de Dimas-Alang, tatlong kapatirang mason na namili ng mga bahay at ari-arian sa panahong ito ay pinagbabawal at laganap ang diskriminasyon sa mga Pilipino at sa mga taong may-kulay. (Matatagpuan ang kanilang mga ari-arian sa South Park at sa Dimas-alang Square kung saan ang mga kalye ay pinangalanang Rizal, Mabini, Bonifacio, Lapu-Lapu at Tandang Sora.)

Unang napadpad si Rizal sa San Francisco nuong 1888. Tumira siya sa Palace Hotel, ang pinakamahal at modernong otel nuong panahon yaon. May marker ngayon sa gilid ng otel na pinaskel nuong 1996 sa pagdiriwang ng kanyang sentenaryo.

“Dr. Jose Rizal, Philippine National Hero and Martyr, stayed at the Palace Hotel from May 4 to May 6, 1888, in the course of his only visit to the United States. Imbued with a superior intellect and an intense love for his country, Dr. Jose Rizal sought to gain freedom for the Filipino people from centuries of Spanish domination through peaceful means. His writings, foremost of which were the novels, “Noli Me Tangere” and “El Filibusterismo”, dared to expose the cancer of colonial rule and agitated for reforms. For this he was arrested, triad and executed by a firing squad on December 30, 1896. With his martyrdom the man of peace fanned the flames of the Revolution of 1896, the first successful uprising in Asia against a western colonial power.”

Kahit hindi naging migrante si Rizal, sa kaisa-isang pagbisita niya sa Estados Unidos hindi maikaila ang kanyang pagtuligsa sa lipunan at sistemang Amerikano. Basahin halimbawa ang kanyang liham kay Mariano Ponce petsa 27 ng Hulyo, 1888. (cf. E. San Juan, Rizal in USA)

“I visited the largest cities of America with their big buildings, electric lights, and magnificent conceptions. Undoubtedly America is a great country, but it still has many defects. There is no real civil liberty. In some states, the Negro cannot marry a white woman, nor a Negress a white man. Because of their hatred for the Chinese, other Asiatics, like the Japanese, being confused with them, are likewise disliked by the ignorant Americans. The Customs are excessively strict. However, as they say rightly, American offers a home too for the poor who like to work. There was, moreover, much arbitrariness. For example, when we were in quarantine.

They placed us under quarantine, in spite of the clearance given by the American Consul, of not having had a single case of illness aboard, and of the telegram of the governor of Hong Kong declaring that port free from epidemic.

We were quarantined because there were on board 800 Chinese and, as elections were being held in San Francisco, the government wanted to boast that it was taking strict measures against the Chinese to win votes and the people’s sympathy. We were informed of the quarantine verbally, without specific duration. However, on the same day of our arrival, they unloaded 700 bales of silk without fumigating them; the ship’s doctor went ashore; many customs employees and an American doctor from the hospital for cholera victims came on board.

Thus we were quarantined for about thirteen days. Afterwards, passengers of the first class were allowed to land; the Japanese and Chinese in the 2nd and 3rd classes remained in quarantine for an indefinite period. It is thus in that way, they got rid of about 200 [actually 643 coolies, according to Zaide] Chinese, letting them gradually off board.”

Malinaw na magandang balik-tanawin ang buhay at panulat ni Rizal at ang karanasan ng pagtataguyod ng kapilipinuhan ng mga migranteng Pilipino sa kabila na sila ay naninirahang malayo sa tinubuang lupa at nakapalibot sa mabuti at di-mabuting sibilisasyong Amerikano.

Naalala ko ang interbyu ko sa matandang supremo ng Caballero de-Dimas-Alang, si Vincent Lawsin ng Seattle, nuong 2002. Ayon sa kanya at dinagdagan naman ni Dr. Dick Solis, isang pastor sa Salinas at historyador ng Caballero.

“Dimas-Alang was an outreach of the underground Katipunan working for Philippines’freedom and independence against Spain and continued the fight against the new colonialist master- the United States of America. Patricio Belen, a Manila bodegero and head of the Dimas-alang brought the movement to America in 1906 to support the Filipino clamor for Philippine Independence. Like the pre-Katipunan reformist Los Indios Bravos, the organizers used the Masonic method (i.e. initiation and rituals) and format characterized by lodges. The bulk of the membership of the Dimas-Alang in the Philippines were peasants and workers and were very critical with collaborationist stance of the Filipino elite with American, including the politician Manuel Quezon’s deal with American politicians in attaining the country’s independence. Many Dimas-Alang Society members, admirers of Artemio Ricarte, veteran Katipunero leader with strong anti-American stance, were restless and gearing up for an uprising.

In America, since the Filipino sojourners and migrant workers come from peasant and working class background in the Philippines, compounded by the racial and class discrimination and struggle in the work places, the Caballero de Dimas-Alang became the popular organization and mutual aid society in many parts of the country, which at its heyday had 69 lodges outside of California as far as Alaska, NewYork, New Orleans, Dallas, Chicago and of course, Honolulu (Solis). One lodge had ten to 100 members. The Caballero de Dimas-Alang was incorporated as a California non-profit organization on January 22, 1921, and considered as one of the oldest Filipino organization in the United States.”

Nabanggit din ng Supremo sa akin na halos lahat ng aktibidades at ritwal nila nuon sa Caballero ay sa Tagalog isinasagawa. Nitong nakaraang dekada lamang daw sila nag-iingles. Malakas daw ang pananalig ng kanilang miyembro sa mga bayani ng ating lahi, laluna kina Rizal at Bonifacio. Malakas at matingkad ang kanilang kapilipinuhan at makabayang adhikain sa kapwa at sa tinubuang lupa. 

Dalawang petsa ang maaring pag-ukulan sa pagdiriwang sa buhay, gawa at kamatayan ng ating pambansang bayani. Ang Hunyo 19 ang bagong Araw ni Rizal, ang araw na kapanganakan ni Rizal, at ang Araw ng Kabayanihan ni Rizal sa Disyembre 30,  ay mga magaling na pagkakataon para gunitain at  manumbalik ang masiglang pag-aaral sa kasaysayan ng kapilipinuhan sa hanay ng mga Pilipino sa tinubuang lupa at sa mga nasa pook sa ibayong dagat sa maraming bansa sa mundo. Kung baga magandang simula ito sa diskurso sa pandaigdigang kapilipinuhan.

(ni MC Canlas, Hunyo 19,2009)

Komentaryo ni ZAS sa kapilipinuhan

Ipinaskil Hunyo 3, 2009 ni bakasbukas
Mga kategorya: Komentaryo sa Kapilipinuhan

Mula kay G. Antonio Contreras: Pagbati, Bathala. Ano ang masasabi mo sa kasalukuyang diskurso ni Aurelio Acgaoili, na inilahad niya sa blog nya, tungkol sa di-umano ay tiranya ng wikang Filipino sa pakikipag-ugnayan nito sa ibang wika kagaya ng Ilokano. Papaano natin haharapin ang pagkakaroon ng iisang kabansaan sa mukha ng patuloy na pag-kwestyon sa wikang pambansa, at sa katotohanang maraming anyo ang katutubong Pilipino, dahil tayo nga ay maraming etnisidad.

Mula kay G. Benru Martinez:  Magandang tanong na mahirap sagutin. Relasyong kapangyarihan (Power relation) pa rin ang bottom line sa ugnayan ng iba’t ibang grupo ethniko. Hindi lang pampulitika mas matindi rin ang impluwensya ng kalakalan. Isa sa mga naalala ko na tinalakay ang paksang ito ay si Chomsky. Nandito ako sa Davao ngayon at karamihan ng tao dito ay nakakaintindi rin ng Tagalog. Bagama’t kinakausap nila ako sa bisaya na naiintindihan ko rin kahit paano. Samok talaga ang paksang ito at naglibog kaayo.

Mula kay G. Zeus Salazar (ZAS): Sa kapwa ko oragon:

Naging estudyante ko si Dr. Agcaoili sa programang gradwado ng Pilipinolohiya. May AB at MA siya sa Pilosopiya. Dalawang beses ko siyang naging estudyante at naging kritik pa nga ako ng kanyang disertasyon na isang pagsasalin ng kanyang isinulat na nobela sa Iloko na isinalin niya sa Pilipino, kasama ng isang “etnograpiya” ng mismong paggawas ng nobela. Pagkatapos nito nagturo siya sa U.P. at sa Ateneo ng P/filipino at mga literaturang Pilino, bago niya lisan ang Pilipinas patungong Estados Unidos kung saan nakapasok sa isang unibersidad upang magturo ng Ilokano, sa pagkabalita sa akin.

Sa aking pagkakilala kay Dr. Agcaoili, hindi ko masasabi na siya ay laban sa paglaganap ng P/filipino. Matalas at malalim ang kanyang pagkagagap ng P/filipino at pati na ng Tagalog, kaugnay ng ating “problemang pangwika at etniko”. Napapadako pa rin siya sa kanyang lupang tinubuan, ngunit sa kasamaang palad hindi pa niya ako nabibisita, ni si Dr. Covar na siyang naging tagapayo niya. Sana magkita muli kami, kasama ni Dr. Covar at nang sa gayon ay maging mas malinaw ang aking kasalukyang pagkaunawa sa kanyang mga ideya kaugnay ng kanyang kalagayan sa Estados Unidos.

Tungkol sa kanyang mga ideya, sa palagay ko, ang mga ito ay nakapaloob sa laganap na talastasan hinggil sa “ethnicity” at sa “democracy” sa kanyang bagong nasyon ng Amerika. Kapwa ang etnisidad at demokrasya, mangyari pa, ay tinatalakay ng lahat sa wika ng akademya roon — i.e., ang Ingles na gagap na gagap ni Dr. Agcaoili bago siya programang gradwado ng Dalubhasaan ng Agham Panlipunan at Pilosopiya noon. Dulot ang pagdaan niya sa Pilosopiya ang kanyang pagiging tatas sa wikang Ingles. [Tulad alam natin, sa pangkalahatan ay napipilay pa hanggang ngayon ang Pilosopiya sa pagsasaPfilipino nito. Ang kilala kong nagsagawa nito ay si Padre Ferriols ng Ateneo, isang Iloko rin katulad ni Dr. Agcaoili — at, sa katunayan, ni Dr. Ernesto Constantino na siyang isa sa mga nagtatanggol sa pagpapalaganap ng “Filipino”. Marami ang naging estudyante ni Prop. Dr. Ferriols na nagpapatuloy sa kanyang adhikain. Isa na rito ay si Paring Bert, na kilala mo, kapwa oragon. Tulad ng alam mo siguro, sa palagay ko, nagkakaroon ngproblema rin si Dr. Alejo sa paggamit ng P/filipino dulot ng pagkapasok niya sa mundo ng mga NGO at sa international circuit ng mga seminar at kumperensya. [Hindi ko sinasabing may pagkakahawig ang “kaso” ni Dr. Alejo sa “kaso” ni Dr. Agcaoili, bagamat kapwa sila di Tagalog na naging matatas sa wikang ito, si Paring Bert ay naging makata pa nga sa Tagalog, tulad ng naging magaling na manunulat si Dr. Agcaoili sa Iloko; ngunit kapwa ay nagdaan sa Simbahan (naging seminarista itong huli samantalang naging pari si Dr. Agcaoili at kapwa sila ay nagdaan sa Pilosopiya, mangyari pa.] May dalumat kami sa Pantayong Pananaw na maaaring — maaari lamang — magdulot ng kaunting liwanag sa dalawang kaso. Ang dalumat ay POOK sa lahat ng pakahulugan nito tulad ng pagkapook, pagkakapook, pagpopook ng sarili. May mga tao, palaisip man o hindi (lalo na siguro kung palaisip na naparaan sa Kanluran o nahilig dito sa isa sa mga anyo nito), na nahihirapan ipook ang sarili laluna kung walang katiyakan ang kanyang pagkapook, sa ideolohiya man o sa emosyonal na kalagayan, gayundin sa simpleng pagkalagay sa heograpiya (i.e., naroroon na sa ibang lugar o palipat-lipat ng lugar dulot ng mga “engagements” na sa kahuli-hulihan ay nakapook sa Kanluran). Ibig sabihin, kung mayroon mang etnograpiya ng pagpopook ng nag-iisip na tao, ang mga kaso ng dalawa ay maaaring isama sa pananaliksik. Nararapat din sigurong tignan kung may kinalaman sila sa natawag kong HANGGANAN NG PANININDIGAN sa aking pakikpagtalastasan kay Padre Arcilla at sa editor ng Philippine Studies na kapwa may kaugnayan sa Ateneo. Kaugnay ng HANGGANAN NG PANININDIGAN nabanggit ko rin ang “pakikipagpatintero” sa Kanluran ng mga intelektuwal na Pinoy na nakararamdam na sa pangangailangan ng talastasang siyentipikong Pilipino (laluna iyung nakagagap na ng Pantayong Pananaw at kahit na, dati, ng Sikolohiyang Pilipino at ng Pilipinolohiya) tungo sa pagkabansa ng kapilipinuhan. Alam mo siguro naman kung papaano nilalaro ang patintero o “tubigan”. Kung malalampasan mo ang lahat ng maaaring “tumaga” sa iyo at makabalik ka sa iyong pinanggalingan [sa kaisipang PP ang iyong maaaring tunay na Pook] ok ito para sa iyong koponan. Sa larong “internasyonal” laban sa Kanluran, maaaring tingnan ang patintero bilang laro kapwa ng mga indibidwal na nakikipagtagisan sa kanyang sariling kalooban at sa mga panlabas na puwersang umaakit (maaaring “tumaga”) sa kanya AT GAYUNDIN ng buong kapilipinuhan tungo sa isang nagsasariling diskursong pangkabihasnan. Maraming indibidwal na istratehiya at taktika na ginagamit ng mga naaakit ng mga goodies ng Kanluran. Si Dr. Arcilla sa palagay ko ay lubusan nang nataga at nag-eenjoy naman sa kanyang kalagayan bilang isang “hispanikong Katutubo”. Si Dr. Gealogo naman, sa palagay ko, ay matatag pa ang kalooban bilang Pilipino at hindi pa naman natataga; at isa kanyang istratehiya ng pag-iwas sa taga ay imbitahan akong mag-ambag sa parangal kay Dr. Schumacher, na halos nataga patungo sa Kapilipinuhan ngunit, salamat sa Diyos at pagkahesuita, ay nanatili pang Kanluranin sa diwa. Hulaan ninyo ang mga taktika at istratehiya na ginagamit nina Paring Bert at Dr. Agcaoili.

Bigyan nating mas malalim na analisis ang dalawang “causes” na ipinaglalaban nitong huli. Kapwa ang “ethnicity” at “democracy” ay kasalukuyang “papyular” sa Amerika, hindi lamang sa pulitika kundi laluna siguro sa akademya, kung saan ang mga dating akademiko sa Pilipinas ay nagnanasang makapasok.

Ang “cause” higit sa lahat na makatutulong sa pagiging komportable sa akademyang Amerikano ay ang “ethnicity” bukod sa mas malawak na dakilang hangarin ng “democracy” (maaalala siguro na gustong i-export ito ni Bush sa buong Kanlurang Asya at matagal nang tinangka ng Amerika na ituro ito sa mga Pinoy, kung kayat nakaalyado nito ang mga elit na Pinoy mula sa Propaganda).

Sa medyo malabong blog ni Dr. Agcaoili pinagsama niya ang etnisidad at demokrasya. Medyo may kaunting pagkindat dito sa ethnicity ng kanyang naangking bayan/nasyon ng Amerika ang pangyayaring siya ay Ilokano, laluna’t ang kanyang “democracy” ay di gaanong kaliwete at nakapaloob pa sa istratehiya ng “globalisasyon” ng kasalukuyang kapitalismong internasyonal na paghati-hatiin ang mga bansa at mga bayang nag-aadhikang maging isang malayang bansa.

Sa kabutihang palad, hindi naman sukdulan ang pagiging maka-ilokano o anti-P/filipino ni Dr. Agcaoili. Sa palagay ko, naniniwala siyang dapat at nararapat maging wikang pambansa ang Tagalog/P/filipino, usaping nagulo/ginulo nina Dr. Constantino noong panahong nag-aaral pa si Dr. Agcaoili.

Tama naman na dapat at nararapat bigyan ng puwang ang Ilokano (sa kaisipan ni Dr. Constantino, sa katunayan, ito na ang lingua franca ng Hilaga, tulad ng lingua franca na ang Sebwano sa Timog) at ang iba pang mga wika sa Pilipinas. Ito ay mabuti sa P/filipino laluna kung ang mga nagsasalita ng mga ito ay malay na gumagamit ng wikang pambansa upang mapagyaman ito ng mga kataga mula sa kani-kanilang mga wika — at bise-bersa. Sa huli, sa palagay ko, magkakatagpo ang lahat sa isang napayamang P/filipino ng Kapilipinuhan.

Ang madalas mabasa ko sa mga supernasyonalistang rehiyonal [na kadalasan ay mga Fil-am na katutuklas pa lamang ng kanilang “ethnicity” o mga Pinoy dito at sa ibayong dagat na nakipagpatintero sa Amerika, tulad ng nabanggit sa itaas] ay natatabunan di umano ang kani-kanilang wika ng lumalaganap na “Tagalog” (i.e., P/filipino). Pati raw sa mga McDo at Jollibee, P/filipino na ang ginagamit. Ngunit ang mga umaangal at umaangal sa pinakamarami sa wikang Ingles na kinasanayan nila sa Amerika. Pati na ang ugali ng ilang blogger ay ni na magalang, katunayan sobrang agresibo. Kung gumagamit naman sila sa kanilang mga sayt ng kani-kanilang wika di naman maingat (para mapaunlad ang mga ito) at halos walang nagbabasa, liban sa Iloko at Sebwano.

Ang ibig sabihin ng lahat ng ito ay umuunlad ang P/filipino. Alam natin itong lahat. Ang tanging kalaban talaga nito para sa diwa ng Kapilipinuhan ay ang Ingles. Kaya siguro ang dapat at nararapat ay gamitin ito ng lahat at bigyan talaga g puwang ang Iloko at Sebwano, pati na ang iba pang mga wikang Pilipino. Patakaran na ito ng Departament ng Filipino at mga wikang Pilipino ng U.P. Naging kasapi si Dr. Agcaoili nito, bago siya magpasiyang lumipat sa Miriam at tuluyan nang lumikas sa Estados Unidos. Gayumpaman, dahil sa Ingles ang kanyang mga blog ngayon, wala naman gaanong epekto ang mga ito dito sa Pinas.

Tungkol sa “maraming etnisidad” ni Dr. Contreras at ang kaugnayan nito sa pulitika sa pagtingin ni G. Benru Z. Martinez, sang-ayon ako dito sa huli tungkol sa pagiging pulitikal at “malibog” (masalimuot, malabo) nito. Gayumpaman, dapat ding salungguhitan na, liban sa mga naiwan dito sa atin na mga wikang “malibog” (sa pakahulugan nitong “nagkahalu-halo” o mestiso/kalibugan), lahat ng mga wikang Pilipino ay nanggaling sa iisang batis, ang Kanlurang Austronesyano at hanggang ngayon ay may common vocabulary pa ang lahat. Kung may pagkakaiba man, hindi naman kalayuan at iba ang kanilang pagkakaiba-iba sa halos na ganap na pagkakaiba ng lahat ng mga wikang Pilipino sa Ingles, halimbawa o sa Tsino o sa Arabo. Tulad ng nabanggit ni G. Martinez na “libog” di naman lubos na magkakaiba ang LIBOG ng Tagalog sa “libog” sa ibang lugar, dahil lahat ay maaaring papanggalingin sa iisang libog na ang ibig sabihin ay nagkahalu-halo at nagulo tulad ng tubig, kung kaya’t naging malabo dahil halimbawa sa nakahalong putik. Ang orihinal na kataga na tumutukoy sa libog na Tagalog ay ang laganap sa buong Pilipinas na “ulog”/”ulag” (tahanang panligawan) sa Kordilyera), “urag” (malakas ang seksuwalidad, intelehente) ng Bikol, at “urag”, “ulag” at “uwag” sa Kabisayaan na malakas ang pagtukoy sa seksuwalida, laluna ang kalandian ng babae.

Kung babalikan ang pulitika, totoo na noong araw malakas ang papel ng etnisidad sa rehiyonalismo sa botohan. Laganap ang opinyon na mayroon noon ng “solid north” o “Ilokano vote”. Ngunit tila nawala na ito. Iyong natawag na “Bikol block” ay matagal nang nataguriang “hollow block”. Noong labanan nina Marcos at Osmena, hindi naman umobra ang boto ng Kabisayaan, laluna sa Maynila. Ang natawag na Muslim vote ay dulot lamang ng sabwatan (na may halong pandaraya) ng mga Kristiyanong mayhawak sa kapangyarihan sa Maynila at mga elit na Muslim sa Mindanaw. Bukod dito, hindi iyun nasasalalay sa isang etnolingguwistikong kabuuan.

Bukod sa lahat ng iyan, IBA ang pulitika ng ethnicity sa Amerika. Una, batay ito sa mga natangay na Aprikano (na kahalo ang rasismo) at napadpad na mga Latino (dulot ng imperyalismong Amerikano) na talagang iba ang wika at kultura sa WASP at gayundin ang mga Europeo (na madaling naakultura sa Amerika at naging “puti”) at Asya (na dulot ng migrasyon, kadalasan nitong di pa nalalayong nakaraan, mula sa iba’t ibang wika at kultura, liban sa mga Pinoy na karamihan ay Amerikanisado na nang nangibayong dagat). Sa atin, liban sa mga Tsino (na madaling naging Pilipino) at mga natira ng imperyalismo, nanggaling ang lahat sa iisang lahi at wika-at-kalinangan.

Tungkol pala sa di-umano’y “tiraniya ng wikang Filipino sa pakikipag-ugnayan nito sa ibang wika tulad ng Ilokano” hindi naman puwedeng maging tirano ang isang wika. Imposible dahil hindi tao ang wika. Lumalaganap ito o hindi, nabubuhay ito o namamatay nang walang ginagawang panggugulo o pang-aapi sa ibang wika. Sa katunayan, kung maaaring “tirano” o “tiraniko” ang wika, ang “tirano” ay ang Ingles — o, mas angkop, ang mga tumatangkilik nito. Wala naman talagang tumatangkilik ng Filipino (o Pilipino o Tagalog) kundi ang mga nagsasalita nito — i.e., ang Bayan o, para sa mga Kaliwete, “ang masa”. Ang talagang tumatangkilik sa Ingles ay ang elit at elitistang Inglesero bilang produkto ng pagtutulungan ng mga Ilustradong nangangastila (kasama na rito ang Tagalog na si Mabini) at mga Amerikano. Isang resulta ng sabwatang ito ay ang mga katulad ni Dr. Agcaoili na umaatake sa Filipino gamit ang kanyang wika (Ilokano) at etnisidad (Iloko) sa pamamagitan ng Ingles na natutunan niya sa sistemang pang-edukasyon sa wikang Ingles at sa loob ng sistemang pang-estado (at pang-ekonomiya) na tumatangkilik sa wikang ito. Hindi ko alam kung bakit napunta si Dr. Agcaoili sa Estados Unidos, gayong hindi naman siya naghihirap dito (naging tagapangulo pa nga siya ng Departamento ng Filipino ng Miriam College na di naman kababaan ang pasuweldo. Siyempre, hindi iyan ang punto. Ang punto ay naroroon siya sa Estados Unidos at mula roon niya inaatake ang Filipino nang wala namang ginagawang masama ito sa kanya. Kung umuunlad man ito ay hindi dahil sa pinapaboran ito ninuman. Gusto pa ngang ipasok muli ni Gloria ang Espanyol, kaalinsabay ng pagtangkilik sa Ingles [sa mga opisina ng Gobyerno ang wika raw na dapat gamitin ay Ingles: sa isang opisina nakasulat sa iba’t ibang dako: “We transact business only in English” ngunit sa kabutihang palad lahat ay nagsasalitang Tagalog. Kung baga, tulad noong panahong Kastila, “obedezco, pero no cumplo”. Papaano ngayon masasabing tirano o tiranikal ang Filipino (o Pilipino o Tagalog) gayong ito (o ang mga Pilipinong ang tanging gagap sa larangang pang-estado at panlipunan sa buong arkipelago ay ang wikang ito) ang siya ngang inaapi dahil ang buong estado (ehekutibo, lehislatura, hudikatura, burokrasya, sistemang pang-ekonomiya at pang-eukasyon) ay sa wika ng mga Ingleserong elit at elitista. Ibig sabihin, sa kabila ng lahat ng panggigipit at pang-aapi, umuunlad pa rin ang Filipino. At ngayon heto na ang opensiba mulang Amerika na sumusundot sa nagtatagumpay na wikang pambasa sa pamamagitan ng mga isyung Amerikano ng “ethnicity” (gayong hindi naman mga Tagalog ang sumusulong sa Filipino; wika lamang ito na naiintindihan ng halos lahat ng Pilipino) at “democracy” (gayong ipinangangalandakan ng elit at elitista na demokrasya na tayo, dahilan siguro kung bakit ang inaatake ay ang tiraniya ng Filipino at hindi ng Ingles na baka ang akala ni Dr. Agcaoili ay siyang wikang nakakabit sa “democracy” kung kayat hindi dapat kabakahin, laluna kung nakatira at naghahanap-buhay ang isa doon mismo sa sentro ng Imperyo (“Empire” sa wika ng mga kumakabaka sa imperyalismo at globalisasyon sa mismong pinanggalingan nitong dalawa).

Mabuti na lamang at ang wikang Filipino lang ang kinakabaka ni Dr. Agcaoili at ng iba pang Pinoy o dating Pinoy na nakaluklok sa piling ng lupain ng mga magigiting. Ang iba ay mas etniko at personal kung umatake. Tulad halimbawa ni Jojo Abinales, ito naman mula sa kanyang luklukan sa Hapon (tingnan ang aking sagot sa kanya sa isa sa aking mga tala rito sa facebook). Nagpapakita lamang ang lahat ng ito na hindi lamang umuunlad ang Filipino (Pilipino o Tagalog) kundi nabubuo na ang bansa ng Kapilipinuhan. zas

Tugon sa CON-ASS: Huwag paglaruan ang saligang-batas kasi…

Ipinaskil Hunyo 3, 2009 ni bakasbukas
Mga kategorya: KaPilipinuhan sa Pangkalahatan, Pilantik ng bayan

Nuong bata pa kami madalas pinapaalalanan kami ng matatanda na huwag na huwag paglalaruan ang pagkain; kasi daw kapag ginawa namin iyon magagalit ang mga nagdudulot sa amin ng makakain sa araw-araw.

Nuong una akala ko panakot lamang iyon, isang pamamaraang pagdidisiplina sa mga batang katulad ko, pero ng tinanong ko kung bakit madalas may natitirang kanin sa kaldero at ulam sa plato sa hapag-kainan kahit natapos na kaming kumain, ang tugon nila ay hindi ko lubusang maunawaan nuong bata pa ako. Isa itong talinghaga.

Mayroon daw kaming kasalo sa hapag kainan na hindi namin nakikita. Kapag may natitirang pagkain sa hapag-kainan at kaldero pagkakain, tanda ito ng pag-alala sa “kanila.” Kadalasan magagalak ang naghanda ng hapunan dahil alam niya kung may tirang pagkain, ibig sabihin nabusog ang lahat ng kumain at mayroon pa sa mga darating pang “bisita.” Sino ang “kanila” at “bisita”? Sila, ang paliwanag ng mga matatanda, ay mga ninuno namin, mga taong nasa kabilang-buhay na, madalas daw ay nagpaparamdan at gumagabay sila sa kanilang mga mahal sa buhay na buhay pa.

Nahihirapan akong ituro ang kinalakihan kong tradisyon sa hapag-kainan sa aking mga anak. Higit nilang nauunawaan ang pagdaral o pagsabi ng “grace” at pasasalamat bago kumain sa may hapag-kainan. Ang kahirapan ko sa pagtuturo sa aking anak ay walang pinagkaiba sa pagtuturo sa ating kababayan kaugnay sa nagaganap sa gobyerno at sa kapapasang “con-ass” (constituent assembly) sa kongreso.

Parang bata ang mga kongresista sa atin. Kung gagamitin ko ang atubilin ng mga matatanda, “Huwag na huwag paglaruan ang saligang-batas, kasi ang batas na nagluklok sa mga kongresista ay lubusang mawawala.” Papaano mangyayari iyon?

Simple lamang turo ng mga matatanda, balikan natin ang kasaysayan. Hindi ba pinaglaruan din ni Pres. Marcos ang saligang-batas nuon? Sinasaad ng saligang-batas (1935) na tapos na ang kanyang term, pero gusto niyang manatili sa poder at sinuway sa pamagitan ng pagpapalit nito, con-con 1970, nang hindi rin makuha ang gusto, idineklara ang Martial Law, at “pinagtibay” ang bagong saligang-batas. Sa madaling salita, pinaglaruan niya ang saligang-batas. Ano ang nangyari kay Marcos? Napatalsik at nawala sa poder si Marcos sa labas mismo ng saligang-batas o sa paraang extra-constitutional (kudeta, people power).

Isang magandang paalala at babala ito sa mga taong pinaglalaruan ang saligang-batas. Kung nuon ang nawalan ng poder ay si Marcos, sampu ng kanyang pamilya at mga loyalistang pulitiko, at ang iba (mga balimbing at bumaliktad) naman ay nagkabalik sa poder sa pamagitan sa pagtangkilik sa bagong kaayusan at saligang-batas (1987), ang maaring maganap sa napipintong krisis dulot ng “paglalaro” ng mga mayoryang kongresista sa saligang-batas ay maaring umabot sa isang “kasukdulan” at “turning point” na hindi pa natin nararanasan sa sandaang-taon at mahigit pa sa ating kasaysayan ng pagiging bansa o nasyon ng Pilipinas.

Ano ang ibig kong sabihin sa “kasukdulan” at “turning point”?

Una, ang tradisyon natin ng saligang-batas, maging ito ay ang 1899, 1935. 1973 at 1987, ay hindi sadyang nakaugat at nagmumula sa kinagisnan kultura at kabihasnan ng mga Pilipino lalung-lalo na sa mga tradisyong ng mga anak-bayan sa buong kapuluan. Malaking salik at pinagbatayan ng saligang-batas ay ang banyaga at dayuhan. At ang pagpapatibay ng mga ito kahit nagkaroon ng referendum at pagpapasya mula sa tao ay hindi lubusang nakapaloob sa pantayong pananaw. Hindi ba bibihira nating marinig sa mga tao, “Ito ang ating batas, tayo ay kusang-loob na sumusunod sa mga alituntunin ng batas dahil tayo mismo ang gumawa at ating ring pinagtibayan.” Hindi ba nakikita natin kaliwa’t kanan at walang pakundangan ang paglabag sa batas ng mga Pilipino lalung-lalu na ang mga taong mambabatas o mga alagad ng batas? Katulad ng traffic lights, red-stop-yellow-ready-green-go, ay ginagawang mga “suggestion lamang” at hindi para sundan. Kung hindi ka nahuli ay hindi ka lumabag sa batas, ika nga.

Pangalawa, hindi lamang ang saligang-batas ay mula o halaw sa banyaga o dayuhan, ito ay hindi pinapatnubayan ng ating mga bayani ng ating lahi, mga bayaning nagbuhos ng dugo para tayo’y magbuklod-buklod at maging isang ganap na bansa. Ang saligang-batas (1899,1935,1973 at 1987) ay wala ni katiting na kaugnayan sa mga dekalogo at pamantayan ng katipunan ng mga anak-ng-bayan nina Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, at maging kay Gat. Jose Rizal. Ang 1987, bagamat naging bunga ito ng EDSA (isang pag-aalsang bayan) at dugong ibinuwis nina Ninoy Aquino, Edgar Jopson (ang Pilipinong nanalig nuong una na sa saligang-batas matutugunan ang suliranin ng bansa) at marami pang iba, pero hindi lubusang nagawa sa diwa at paninindigan ng mga anak bayan. Ang pangkonsuwelo de bobo ay ang “party-list representation” sa kongreso at ilang makabayang probisyon. Magpaganoon pa man, ang kasalukuyang saligang-batas ay madaling “paglaruan” ng mga mambabatas (mga trapo) at ng mga nakaluklok sa poder. Sa madaling salita, ang saligang-batas ay walang kaluluwa ng ating mga bayani ng lahi at ng mga anak-bayan sa buong kapuluan.

Pangatlo, hindi ba ang paglalarawan ng taumbayan sa kalakaran ng ating kasalukuyang pulitika (mga ginagawa ng mga pulitiko) ay “kasuka-suka” at “nakakasakit sa sikmura”. Kung babalikan ko ang atubilin ng matatanda kaugnay sa paggalang sa pagkain sa hapag-kainan at huwag itong paglaruan, may dagdag pa sila, para hindi ito mapanis at makakasira ng tiyan. Sa ganang akin, sa pagbabasa ng mga nagaganap sa ating bayan, napapanis na ang pagogobyerno batay saligang-batas hindi nakabatay sa tunay na Pilipino, pinaglalaruan pa nga pulitiko at tao sa poder, kaya’t ang nararapat lamang na maisasantabi ito (kasama ang mga may pakana sa pagkapanis ng saligang-bayan) at dinggin ang “dapat mabatid ng mga anak-bayan” at magbuo ng saligang-batas na tunay na saligan ng bayan.

Bilang konklusyon, pagkakataon at panahon ngayon ng pagpapalaganap paninindigan sa kapilipinuhan sa buong kapuluan at maging sa mga Pilipino nasa labas ng bansa. Hikayatin lumahok sa pagbubuo ng bagong saligang-batas na nakabatay sa tunay na kapilipinuhan na pinapatnubayan ng mga dugo ng ating mga bayani ng lahi at ng mga anak-ng-bayan sa buong kapuluan. Simulan natin ang pagbabalik-loob at pagbabalik-tanaw sa pamagitan ng paglulunsad ng talastasang-bayan sa lahat ng hanay at sektor ng mamamayan sa buong kapuluan.

Ang bilin ng ating mga ninuno: Huwag paglaruan ang saligang-batas kasi… malalagot kayo (tinutukoy rito ang mga trapo at pulitiko sa poder)… mabibilang na ang araw ninyo… magigising at kikilos ang taumbayan sa saligang-batas na makatao at makaPilipino.

Ano ang Panindigang-KaPilipinuhan?

Ipinaskil Hunyo 2, 2009 ni bakasbukas
Mga kategorya: KaPilipinuhan sa Pangkalahatan

Panindigang-kaPILIPINUhan (sa Ingles ay katumbas ng “commitment to FILIPINOsoulfulness”) ay ang napapanahong panawagan ng mga Pilipino ng ating henerasyon maging saan man naroroon.

Sinasaad ng panatang makabayan na “Paglilingkuran ko ang aking bayan nang walang pag-iimbot at nang buong katapatan.Sisikapin kong maging isang tunay na Pilipino, sa isip, sa salita at sa gawa.”

Pero sino ang lubusang makakaunawa sa “tunay na Pilipino”?: Papaano magsisikap at maninindigan kung di lubusang kilala at nauunawaan ang pagka-Pilipino? Ano nga ba ang pagkapilipino sa ISIP? Ano ang pagkapilipino sa WIKA? Papaano ang pagkapilipino sa GAWA?

Alam natin na ang salitang Pilipino ay mula sa Las Islas Felipenas, pinangalanang pagparangal kay Prinsipe Felipe ng mga kastila sa ating kapuluan. Sa mahabang panahon ang mga tao sa kapuluan ay dumaan sa mahabang kasaysayan ng pamayanan, nabuo sa bayan at tumungo sa bansa. Ang Inang Bayan ay higit na kilala ngayon na bansang Pilipinas, at ang mga mamamayan ay nakilala bilang mga Pilipino.

Bagamat hindi orihinal o katutubong termino ang PILIPINO at hindi maikaila na may bahid ito ng kolonyalismo. Papaano tatanawin ang “tunay na Pilipino”? Ang pagkataong Pilipino ay may tatlong sangkap – ang panLABAS, panLOOB at pangLALIMan. Mayroon pagkakaiba halimbawa ang taong makabayan sa nasyonalista. Mayroon bang pagkakaiba? Mayroong pantayo, pangkami at pansilang pananaw sa kasaysayan.

Sa ibang bansa, tulad ng US, higit na naging masalimuot ang pagkaPilipino dahil ikinakabit ito sa mga kategoryang pulitikal tulad ng Asian-American, Filipino American. Tulad ng tubig sa baso, papaano ito susuriin, may kulang pa (half-empty) o di pa puno (half-full)? Umiiral at laganap ang identity crisis. Ganoon pa man, mayroon ding umuusbong na identity awareness movement na nakapaloob sa civil at human rights movement nuon man at magpahanga ngayon.

Kung may puna o nakikitang di mabuti at kahinaan sa Pinoy, sinasabi na “Pinoy kasi” o kung pinagmamalaki naman ang pagkaPilipino, “Iba ang Pinoy.” Ano pagkakaiba ng dalawang kataga?

Bakit madalas tinatanong sa kapwa natin Pilipino kapag ito ay nakipagsapalaran at nangibangbayan tulad sa Amerika, “Pilipino ka PA ba o Amerikano ka NA? Dahil ba sa kinagisnang dunong ng Pilipino na kapag lumabas ka sa iyong pook (o looban), nababahala sila (ang mga naiwan) na baka ka magbago at makakalimutan mo ang pinaggalingan mo? Ito ba ang nais ipaabot ng tanong na PA, at kaiba sa NA?

Kung ganoon nga ating pang-unawa, bakit hindi natin tinatanong sa ating sarili at lalu na sa mga taong kumakatawan sa Pilipino tulad ng mga pulitiko at taong gobyerno, “Pinoy ka PA ba o banyaga/dayuhan NA?

Sa US pinalaganap ng aking yumaong kaibigan si Bulletx (Marasigan) kapag pinakilala niya ang sarili – “Ako ay PILIPINO mula sa lahing PILI (chosen) at PINO (refined).”

Ang ambag ko naman, ang kaibuturan (core) ng piLIPIno ay ang LIPI. Ang lipi ang ating angkan at ninuno mula sa pamayanan, bayan at bansa. Kaya’t kapag nagtagpo ang mga pinoy hinahanap ang KA (kabayan, kabalen, kamag-anak, kaibigan etc). Ang pakikipag-ugnayan sa ugat at paghahanap ng kapalagayang-loob. Ang loob at kaluluwa (kapwa) ang siyang soul ng Pilipino kaya’t iba ang “being Filipino,” o “Filipinoness” sa “Filipinosoulfulness.” Ang mga nauna ay pakikipag-kapwa at pakikitungo sa ibang tao, habang ang panghuli ay ang pagbabalik-loob at pagiging buo o pagpunta sa kaibuturan ng pagkatao.

Napapanahon ang pagpapatingkad ng ating KAPILIPINUHAN maging saan ka man. Madaling sabihin na Pilipino ka kahit saan, kahit kailan. Lamang, maging sa ating bayan, marami sa mga Pilipino ang nalilihis o nalilito sa kapilipiinuhan. “Madaling maging taong-Pilipino, mahirap magpakataongPilipino.” (Ano ang pagkakaiba ng tao at pagkatao?)

Sa madaling salita, kailangan ang paninindigan – ang panindigang-Kapilipinuhan! Kung papaano ito maisasagawa, maipapalaganap at maitataguyod, ito ang layon ng grupong ito sa FACEBOOK.

Halina at MAKIBAHAGI AT MAKITINDIG SA KAPILIPINUHAN.

Tao Po! Tuloy Po Kayo!

Ipinaskil Hunyo 2, 2009 ni bakasbukas
Mga kategorya: Uncategorized

Tuloy po kayo. Nakalaan po ang blog na ito sa pagpapayabong ng diwa at paninindigang-kapilipinuhan. Kapatid pong blog nito ang bakasbukas o bagong kasaysayan buklod-kasambayanan/ bukasan ng sarili. Ang pamantayan ay ang Pilipinolohiya (pagkataong Pilipino), sikolohiyang Pilipino at bagong kasaysayan sa pantayong pananaw.