Mga Signos ng mga Pangulo

Ang sumusunod ay sinulat ko nuong Hulyo 15,1998 at nalathala sa Manila Bulletin-USA sa aking weekly kolum na “USApang-Pinoy.” Ang orihinal na titulo ay “Ang Signos ni Erap” bilang pagsalubong sa bagong halal na pangulo. Hindi ko ini-edit o binago ang laman ng orihinal na kolum. Pinalitan ko lamang ang titulo para maging angkop sa panahong ito at dinagdag ko itong introduksyon.

Magmula nuong sinulat ko ito hindi ko na nabalikan, at hindi na rin ako naging masugid na tagasubaybay ng takbo ng pulitika sa ating bansa kaya’t nuong napatalsik si Erap hindi ako nakapagsulat ng kolum na magsasabing “sabi ko na nga ba tama ang signos.” Hindi ko rin tinangkang pag-aralan ang numero-signos-logic ni PGMA bilang pangulo ng bansa, maging yun kay Fernando Poe Jr. Nagkakainteres lamang akong sariwain ang mga dating sinulat ko dulot ng bagong behikulong Facebook notes at ng blogs. Malay natin manunumbalik rin ang interes ko sa takbo pulitika sa Pilipinas at makapagsusulat na naman ng opinion column tulad dati. Pansamantala nilalagay ko ang notes na ito sa larangan ng “Bakas-bukas” at “Kapilipinuhan”, ang aking dalawang blogs sa Pilipino. Ninanais kong mabasa ang inyong mga komento. Maraming salamat.

Ang Signos ni Erap (sa Kolum “Usapang-Pinoy” ni MC Canlas, Manila Bulletin-USA, 7/15/1998)

Maliit na bagay, pero naging tampok sa mga pangunahing balita sa araw ng panunumpa ng bagong halal na pangulong Joseph Ejercito Estrada; muntik na siyang mabagsakan ng chandelier.

Nagtataka ang mga staff ng palasyo at security ni Erap kung papaano nangyari iyon. Ngayon lang daw nangyari ang ganoon sa Malacañang. Pumasok sa isip ng iba kung ito ay isang sabotahe, isang aksidente o isang signos.

Kung ikukuwento ko ito sa nanay ko, sasabihin niya kaaagad na ito ay isang signos. Isang pangitain. Isang tanda. Isang omen. Isang sinyal. Isang babala. At sigurado ako, pagkatapos mabasa ang naganap, bibigyan pa ito ng malalim na kahulugan. Magbibigay pa siya ng paalala kung kinakailangan.

Katulad ng nanay ko, maraming Pilipino ang naniniwala pa rin sa mga pamahiin. Hindi lamang mga mahihirap at mga salat sa pag-aaral ang superstitious. Mula sa mga manunugal hanggang sa mga propesyonal, mga negosyante at estudyante, relihiyoso at hindi man, maging ang mga presidente ng bansa, lahat ay nagbabasa ng signos, sa maniwala kayo o hindi.

Naalala pa ba ninyo ang paggamit natin ng “oro, plata, mata”? Ginagamit ito sa pagbibilang ng mga baitang sa hagdanan sa mga bahay. Kapag tumama sa “oro” ang bilang sa huling baitang, magandang signos ito; may suwerteng darating. Kung “mata” naman, may masama o hindi mabuting mangyayari. Malas, ika nga. At kapag “plata,” signos ito ng maliliitang suwerte, at hindi naman mamalasin ng todo.

Bad luck o good luck ba ang mga signos ni Erap sa pagiging pangulo? Bad luck kanino? Ng bansa? Ng mahihirap? Ni Erap? Kaya ba masugid na binabasa ng media, at malugod na sinusubaybayan ng taong bayan, ang halos lahat ng kilos at galaw ni Erap?

Bakit nga ba masugid na binabasa ang signos ni Erap? Dahil siya ang pang-13 pangulo ng bansa. Katulad ng Friday the 13th . Mag-ingat sa trese, iyan ang payo ng matatanda.

Kung si Cory ay nanungkulan ng anim na taon, plus ang anim na taon ni Fidel, ang unang taon ni Erap sa pagiging pangulo ay pang-13 na taon magmula ng nawala si Marcos. Pang-13 na pangulo sa pang-13 na taon. At ang 1999, ay isang 1 at tatlong 9., trese din. Signos?

Si yumaong pangulong Ramon Magsaysay ang isa ring pangulong takot na takot sa trese. Signos ito para sa kanya. Nang araw siya ay namatay, sa airplane crash, ang seat number 13 ang nabigay sa kanya sa isang miting.

Iba na naman si Marcos. Numero 7 at 11 naman ang kanyang lucky number. Ang birthday niya ay Setyembre 11, 7-11 ika nga dahil dating pang-7 na buwan ang Setyembre sa lumang kalendaryo.

Kahit na mataas ang pinag-aralan ni Marcos, ang kanyang paniniwala sa numero-logic, signos at pamahiin ay matingkad na matingkad. Ginawa pa niya ang lahat, para mapaniwala ang mga tao sa kanyang paniniwala at birtud. Ninais niyang magkaroon ng “mystic” at maging mahiwaga ang kanyang dating sa mga tao. At lubusang ipinangalandakan ang kanyang “alamat” at mga anting-anting.

Ito, para kay Marcos, ay sadyang “iginuhit ng tadhana,.” Ito rin ang pamagat ng kanyang pelikula para sa kanyang kampanya nuong 1965. Sa nasabing halalan, ang signos raw ay nasa numero; ang 6 at 5 bilang ng letra (suma 11) ng MARCOS-LOPES. Nanalo nga si Marcos at si Fernando Lopes ang kanyang bise-presidente.

Sa kampanya sa halalang 1969, tinangkang gamitin ang numero-logic ni Marcos nina Osmeña-Magsaysay, 6-9 ang bilang ng letra. Lamang, talo sila ni Marcos. Sa kanya ang suma ng 1, 9, 6, 9 ay 25. Ang 2 at 5 ay 7, ang lucky number ni Marcos.

Pinirmahan niya ang deklarasyon ng Batas Militar sa September 21, 1972. Sadyang tinataon ni Marcos ang mahahalagang bagay sa kanyang buhay sa petsang may 7, 11 at divisible by 7. Ang 1972 ay pam-7 taon mula nuong 1965, at ang 1986, pang-14 taon mula 1972, at pang-21 mula 1965.

Ito ang paliwanag ni Marcos sa kanyang pananatili sa poder at kapangyarihan. Sinakyan din ito ni Imelda. Katulad ng drama ng kanilang unang pagtatagpo, na nauwi kaagad sa kasalan ay iginuhit rin daw sa tadhana. Hindi lamang iyon, nagkaroon pa ng teorya si Imelda ng black hole sa langit na nakaturo sa Pilipinas. Ipinagpala ng tadhana ang makabagong “si Malakas at si Maganda.”

Sa panunungkulan ni Marcos, dumating rin ang mga signos na masamang pangitain. Kasama na rito ang pagbagsak ng ginagawang Folk Arts Theater, at ibinaong buhay ang mga natabunang manggagawa. Lumindol sa simbahang pinagkasalan nina Irene at Greg Araneta. Dagdag pa ng matatanda, masamang pamahiin ang paglipat ng mga santo sa ibang simbahan at dinala sa simbahang pinagkasalan.

Kung binasa lamang ni Marcos, may masasamang signos sa mga pinapalagay niyang lucky years. Namatay si Ninoy sa 1983, sa 11 years anniversary ng Martial Law, at ang suma ng 1, 9, 8, 3 ay 21. Namatay si Ninoy sa August 21 at nagkaroon ng August 21 Movement, na naging instrumento sa People Power sa EDSA. Natalo siya sa eleksyon ng 1986, 14 na taon mula 1972, divisible by 7, at 21 na taon mula 1965.

Sa madaling salita, nawala ang birtud at “mystic” ng numero-logic ni Marcos sa huling mga taon. Mga signos ito sa kanyang pagbagsak, isa ring “iginuhit ng tadhana.”

Signos rin ba na ang unang kontrobersyang hinarap ni Erap ay ang pagpapalibing sa katawang lupa ni Marcos? Signos rin ba ang pagbabalik nina Danding Cojuangco sa San Miguel Corporation at ang “resurrection” ng mga cronies ni Marcos sa administrasyon ni Erap? Signos rin ba na ang official name ni ERAP ay JOSEPH EJERCITO ESTRADA, ang suma ng bilang ng letra ay 21?

Namatay habang pangulo si Magsaysay, ang unang pangulo tinangkilik ng masa. Magkahawig ang pagiging pangulo ni Ramon at Erap. Si Magsaysay ay “Man of the Masses,” habang si “Erap para sa Mahihirap.” Hindi ba may slogan din si Monching ng “Magsaysay Is My Guy,” si Erap naman ay may Guy (Nora Aunor).

Harinawa hindi ito signos.

Pahabol (Hunyo 23,2009)

Ang 2010 ay 21 din pala! Namana ni Erap ang bad luck ng numero-logic-signos ni Marcos nuong huli. So kung ang aalisin ang dalawang sero, ibig sabihin dalawang reverses ang 2010. Maaring babalik ang suwerte ni Erap dahil buhay pa siya si Marcos patay na. Maaring ang kanyang lucky number ang magpapanalo sa babasbasan niya. Signos na naman ba ito? Abangan ang maaring mangyayari sa 2010.

(ni MC Canlas, Hunyo 23,2009)

Explore posts in the same categories: Pilantik ng bayan, Pulitika't Pulitiko

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s


%d bloggers like this: